Ipinahayag ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na hindi dapat ang taga-labas, tulad ng International Criminal Court (ICC), ang magdedesisyon hinggil sa imbestigasyon ng war on drugs ng administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa isang panayam nitong Biyernes, Nobyembre 24, tinanong si Marcos hinggil sa inihaing resolusyon sa Kamara na nag-uudyok sa administrasyon na makipagtulungan sa ICC hinggil sa imbestigasyon nito sa giyera kontra droga ng administrasyong Duterte.
“Para sa akin, simple lang naman 'yang isyung 'yan eh. Hindi naman siguro tama na ang mga taga-labas, mga dayuhan, ang magsasabi sa atin kung sinong iimbestigahan ng pulis natin, sinong aarestuhin ng pulis natin, sinong ikukulong ng pulis natin. Hindi naman siguro tama ‘yun,” sagot naman ni Marcos.
“Dapat Pilipino lang ang gumagawa niyan. May pulis naman tayo eh, may NBI (National Bureau of Investigation) naman tayo, may DOJ (Department of Justice) tayo. Kaya nila ‘yung trabahong ‘yan, and that's really where the conflict is,” saad pa niya.
Matatandaang nito lamang Huwebes, Nobyembre 23, nang maglabas din ng pahayag si Vice President Sara Duterte hinggil sa pag-udyok ng ilang mga mambabatas sa pamahalaan na makipagtulungan sa ICC sa imbestigasyon nito sa war on drugs ng administrasyon ng kaniyang ama.
Sa naturang pahayag ng bise presidente, binanggit din niya ang naging pahayag ng pangulo kamakailan na hindi ito pabor na pumasok ang ICC para mag-imbestiga sa bansa.