Ilang kalsada sa Maynila ang nakatakdang isara pansamantala sa darating na weekend upang bigyang-daan ang nalalapit na pagdaraos ng ASICS Rock 'n Roll Manila Marathon.
Sa inilabas na traffic advisory ng Manila Public Information Office (PIO) na pinamumunuan ni Atty. Princess Abante, tagapagsalita ni Manila Mayor Honey Lacuna, nabatid na sisimulan ang road closures simula alas-11:00 ng gabi ng Sabado, Nobyembre 25, hanggang alas-8:00 ng gabi ng Linggo, Nobyembre 26.
“TRAFFIC ADVISORY: Due to the upcoming ASICS Rock 'n Roll Manila Marathon, the public is advised of the upcoming road closures from 1PM of Saturday, November 25 until 8AM of Sunday, November 26,” anang abiso.
Nabatid na apektado ng road closures ang Bonifacio Drive (mula Anda Circle hanggang Katigbak Drive); Katigbak Drive at South Drive; Independence Road; P. Burgos Avenue (mula Roxas Boulevard hanggang Jones, McArthur, at Quezon Bridges); at Ma. Orosa St. (mula P. Burgos hanggang Kalaw).
Apektado rin ang Finance Road (mula P. Burgos Avenue hanggang Taft Avenue); Northbound lane ng Taft Avenue mula Ayala Boulevard hanggang P. Burgos Avenue (dalawang linya lamang); Muralla St. (mula Sta. Lucia St. hanggang Real St.); Real St. (mula Muralla St. hanggang Sta. Lucia St.); Sta. Lucia St. (mula Real St. hanggang Muralla St.); at Quintin Paredes St. (mula Jones Bridge hanggang Ongpin St.).
Mula naman alas-10:00 ng gabi ay isasarado rin umano ang kahabaan ng Roxas Boulevard mula Katigbak Drive hanggang Presidente Quirino Avenue.
Kaugnay nito, pinapayuhan ng pamahalaang lungsod ang mga motorista na humanap na lamang ng mga alternatibong ruta patungo sa kani-kanilang destinasyon.
Nitong Huwebes, pormal nang binuksan ang AIA Vitality Expo ASICS Rock ‘n Roll Manila Marathon sa pamamagitan ng ribbon cutting activity dakong alas-11:00 ng umaga sa Midtown Wing Exhibit Area, Robinsons Place Manila, sa Ermita.