Magandang balita dahil inanunsiyo na ni Manila Mayor Honey Lacuna ang paglalabas ng quarterly payout para sa monthly financial assistance na ipinagkakaloob ng Manila City Government para sa mga residente nitong persons with disabilities (PWDs) at solo parents, sa unang linggo ng Disyembre.
Ayon kay Lacuna, base sa ulat ni Office of Senior Citizens' Affairs (OSCA) chief Elinor Jacinto, ang cash allowance para sa senior citizens ng lungsod para sa buwan ng Setyembre hanggang Disyembre 2023, ay ipinoproseso na.
Inaasahan aniyang maipamimigay ito sa lalong madaling panahon, o bago mag-Pasko.
Anang alkalde, ang Manila Department of Social Welfare (MDSW), na pinamumunuan ni Re Fugoso, ang siyang mamamahala sa pamamahagi ng cash aid para sa PWDs at solo parent beneficiaries.
Nabatid na ang kabuuang halaga na matatanggap ng bawat PWD at solo parent sa Maynila ay P3,000. Sakop nito ang P500 monthly allowance mula Hulyo hanggang Disyembre, 2023.
Samantala, ang mga senior citizens naman ay tatanggap ng tig-P2,000, na kumakatawan sa P500 monthly allowance mula buwan ng Setyembre hanggang Disyembre.
Ito ay bahagi ng Christmas gifts na ibinibigay ng city government sa mga senior citizens kada taon.
Kaugnay pa nito, nanawagan rin si Lacuna sa mga solo parents at PWDs na tiyaking updated ang kanilang identification cards at hindi expired.
Nabatid na ang IDs para sa solo parents ay renewable kada taon, habang kada ikatlong taon naman ang pag-renew ng IDs para sa PWDs.
Ipinaliwanag ni Fugoso na ang dahilan ng renewals ay upang masiguro na ganun pa rin ang kalagayan ng mga solo parents at PWDs at nananatili silang residente ng Maynila, dahil ang benepisyong ibinibigay ay para lamang sa mga residente ng Maynila.
Ang probisyon para sa monthly cash assistance sa senior citizens, solo parents at PWDs ay bahagi ng social amelioration program (SAP) ng lokal na pamahalaan.
Kabilang din sa mga benepisyaryo nito ang mga estudyante ng dalawang city-run universities at maging Grade 12 students.
Ayon kay Fugoso, mayroong 180,000 senior citizens, mahigit na 17,000 solo parents at mahigit sa 33,000 PWDs sa Maynila.