Isinara ng Department of Migrant Workers (DMW) ang isa pang consultancy firm na nangangako ng trabaho sa Poland, kapalit ng malaking halaga.

Ayon sa DMW, nagtungo ang mga tauhan ng Migrant Workers Protection Bureau (MWPB) ng ahensya, kasama ang mga tauhan ng Pasay City police, at ikinandado ang tanggapan ng 11 Sea’s Immigration Services na matatagpuan sa Unit 82, 3rd Floor, Welcome Plaza Mall, Taft Avenue, Pasay City.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Nabatid na ang 11 Sea’s Immigration Services ay hindi lisensiyado ng DMW upang mag-recruit at magpadala ng mga manggagawang Pinoy sa ibayong dagat, at wala ring aprubadong job orders.

Batay sa ulat, nabatid na pinangangakuan ng kumpanya ng trabaho bilang trailer truck driver at warehouse worker sa Poland ang mga target nitong biktimahin, kapalit ng P280,000 na ‘all-in-payment’ para sa pagproseso ng employment documents ng mga ito.

Sakali umanong walang kakayahan ang kumpanya na magbigay ng one-time payment, siya ay sisingilin ng inisyal na bayad na P50,000 at ire-refer sa kanilang counterpart na lending institution upang mag-aplay ng loan para mabayaran ang kanilang natitirang balanse.

Sinasabing nag-aalok din umano ang 11 Sea's Immigration Services ng trabaho sa Canada na may processing fee na halos kalahating milyong piso sa mga prospective applicants, na ire-refer din umano sa accredited clinic para sa medical examination.

Nabatid na gumagamit ang 11 Sea’s Immigration Services ng social media, particular ng Facebook, sa pag-advertise ng kanilang job offerings sa Poland at makahikayat ng mga Filipino overseas job applicants.

Anang DMW, ang pagpapasara sa 11 Sea’s Immigration Services ay magreresulta sa pagkakasama sa kumpanya at mga staff nito sa “List of Persons and Establishments with Derogatory Record” ng DMW upang maiwasan na silang makilahok sa anumang overseas recruitment program ng pamahalaan.

Bukod dito, mahaharap din sila sa mga kasong illegal recruitment.

Hinikayat din ng DMW ang mga biktima ng 11 Sea's Immigration Services na kumontak sa MWPB sa pamamagitan ng kanilang Facebook page na https://www.facebook.com/dmwairtip, email na [email protected] o sa kanilang hotline number na +63 2 8721-0619 para sa legal assistance sa paghahain ng kaso laban sa naturang kumpanya.

Kaugnay nito, pinaalalahanan ni DMW Officer-in-Charge Hans Leo J. Cacdac ang publiko na tiyaking sa lisensiyadong kumpanya lamang makipag-transaksiyon kung nais nilang magtrabaho sa ibang bansa.

Maaari aniyang makita ang listahan ng mga licensed agencies at mga aprubadong job orders sa kanilang website na www.dmw.gov.ph.

“I am reiterating this warning to our Kababayans, especially those who want to work overseas. Please, do not deal with consultancy firms that offer to get you jobs abroad. Always check the DMW website (www.dmw.gov.ph) for the list of licensed agencies and approved job orders,” aniya pa.