Nagbigay ng reaksyon si Senador Ronald “Bato” dela Rosa hinggil sa naging pahayag ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na pinag-aaralan ng pamahalaan ang posibleng pagbabalik ng Pilipinas sa International Criminal Court (ICC).

Matatandaang sa isang panayam nitong Biyernes, Nobyembre 24, hiningian ang pangulo ng komento hinggil sa inihaing resolusyon sa Kamara na nag-uudyok sa administrasyon na makipagtulungan sa ICC hinggil sa imbestigasyon nito sa giyera kontra droga ng administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Sagot ni Marcos, hindi raw dapat ang taga-labas ang magdedesisyon hinggil sa imbestigasyon ng war on drugs ng administrasyong Duterte.

PBBM: ‘Di dapat diktahan ng taga-labas ang imbestigasyon sa drug war sa PH’

Samantala, sinabi rin ng pangulo na “under study” ang usapin hinggil sa pagbabalik ng Pilipinas sa ICC.

https://balita.net.ph/2023/11/24/pbbm-sa-posibleng-pagbabalik-ng-pinas-sa-icc-thats-under-study/

Kaugnay nito, sinabi ni Dela Rosa sa isang panayam nito ring Biyernes na nararamdaman niyang kailangan na niyang maghanda sa maaaring mangyari lalo na’t siya ang tumayong Philippine National Police (PNP) chief nang magsimula ang madugong giyera kontra droga sa bansa.

“I feel that I should be ready for any eventuality because the political situation in the Philippines is very, very fluid. So I have to be ready,” ani Dela Rosa.

“As I’ve said, I am ready to face Filipino courts. I’m willing to be tried by the Filipino courts. But by a foreign body I’m not willing. But it is not an indicator na lalayasan ko kayo.”

“Baka sabihin n’yo: ‘Sisibat na si Bato.’ Hindi ako lalayas. Haharapin ko ‘yan. Kapag sinabi ng ating korte, ‘Bato harapin mo ‘yan, dito ka sa’min humarap,’ then hahaharapin ko ‘yan,” saad pa niya.

Samantala, sinabi rin ng senador na hindi raw siya lalaban sa gobyerno kung sakaling pormal na niyang harapin ang mga kaso hinggil sa drug war.

“It’s useless fighting the government. Hindi ako lalaban sa gobyerno,” ani Dela Rosa.

Ayon sa mga ulat, mahigit 6,000 katao ang pinatay sa ilalim ng war on drugs ng administrasyong Duterte, kung saan inihayag naman umano ng iba’t ibang international human rights organizations na nasa 12,000 hanggang 35,000 ang aktuwal na bilang ng mga nasawi dahil dito.