Naglabas ng pahayag si Vice President Sara Duterte hinggil sa pag-udyok ng ilang mga mambabatas sa pamahalaan ng Pilipinas na makipagtulungan sa International Criminal Court (ICC) ukol sa pag-imbestiga nito sa war on drugs ng administrasyon ng kaniyang amang si dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Sa isang pahayag nitong Huwebes, Nobyembre 23, binanggit ni Duterte ang “sudden” at “unannounced joint meetings” ng Kamara hinggil sa imbestigasyon ng ICC sa war on drugs ng kaniyang ama.

Kaugnay nito, pinaalala ni Duterte sa mga mambabatas ang naging pahayag ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na banta umano sa soberanya ng Pilipinas ang magiging imbestigasyon ng ICC sa bansa.

“I respectfully remind our honorable lawmakers of the very words that our President, His Excellency Ferdinand Marcos, Jr. reiterated less than half a year ago:

National

DOH, nakapagtala ng 17 firework-related injuries sa loob lamang ng 24 oras

‘Any probe conducted by the ICC would be an intrusion into our internal matters, and a threat to our sovereignty… We are done talking with the ICC. Like what we have been saying from the beginning, we will not cooperate with them in any way, shape, or form’,” pahayag ni Duterte.

Kaugnay nito, hinikayat ng bise presidente ang Kamara na “respetuhin” umano ang posisyon ni Marcos sa isyu.

“The president has likewise affirmed that his opinion is based on the fact that the ICC ceased to have jurisdiction over the Philippines upon the effectivity of our withdrawal from the Rome Statute on March 17, 2019,” ani Duterte.

“To allow ICC prosecutors to investigate alleged crimes that are now under the exclusive jurisdiction of our prosecutors and our courts is not only patently unconstitutional but effectively belittles and degrades our legal institutions.”

“Huwag nating insultuhin at bigyan ng kahihiyan ang ating mga hukuman sa pamamagitan ng pagpapakita sa mundo na tayo ay naniniwala na mga dayuhan lang ang tanging may abilidad na magbigay ng katarungan at hustisya sa ating sariling bayan,” saad pa niya.

Matatandaang inihain kamakailan ni human rights panel chairperson Manila 6th District Rep. Benny Abante at ni 1-Rider Party-list Rep. Ramon Rodrigo Gutierrez sa Kamara ang House Resolution 1477 na naglalayong palawigin ang “full cooperation” ng pamahalaan sa imbestigasyon ng ICC sa mga krimen sa ilalim ng hurisdiksyon nito, kabilang na umano ang “war on drugs” campaign.

Ayon sa mga ulat, mahigit 6,000 katao ang pinatay sa ilalim ng war on drugs ng administrasyong Duterte, kung saan inihayag naman umano ng iba't ibang international human rights organizations na nasa 12,000 hanggang 35,000 ang aktuwal na bilang ng mga nasawi dahil dito.