Tulong ng gov't sa mga biktima ng lindol sa Mindanao, tiniyak ni Marcos
Tiniyak ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. sa mga naapektuhan ng 6.8 magnitude na lindol sa Mindanao kamakailan na maibibigay sa kanila ang lahat ng tulong ng pamahalaan.
Inilabas ni Marcos ang pahayag matapos bumisita sa General Santos City nitong Huwebes upang personal na makita ang kalagayan ng mga nilindol.
Nauna nang pinulong ng Pangulo ang mga opisyal ng pamahalaan upang alamin ang sitwasyon ng mga naapektuhan ng pagbaha sa Eastern at Northern Samar.
Paliwanag ng Pangulo, nakahanda na ang lahat ng kailangang tulong at relief operations sa mga biktima ng lindol, maliban lamang sa muling pagtatayo ng kanilang bahay dahil nakararanas pa ng aftershocks sa rehiyon.
“Pati ‘yung mga rebuilding, hindi pa natin puwedeng simulan dahil may aftershocks pa. Ang problema sa lindol, walang forecast – hindi natin alam kung ano ang mangyayari,” aniya.
“But mayroon tayong – lahat ng assistance, pangangailangan ng mga inabutan, ‘yung mga nawalan ng bahay, 'yung mga mangingisda, 'yung mga injured – lahat ‘yan patuloy na magbibigay ang DSWD (Department of Social Welfare and Development) ng assistance,” dagdag pa ng Pangulo.
Matatandaang tinamaan ng 6.8-magnitude na lindol ang Sarangani Province nitong Biyernes, Nobyembre 17 kung saan naapektuhan din ang mga kalapit na lugar nito.