Malamang sa malamang, sa bawat miyembro ng pamilya, siguradong may isa doon na manginginom. At kung may ganoon kang kapamilya, alam na alam mong hindi biro magkaroon ng kasama na gabi-gabing umiinom ng alak.

Buti sana kung pagkatapos uminom, diretso higa lang. Matutulog. Tapos kinabukasan, gigising na mas determinado at inspirado sa buhay.

E, paano kung ibang klase ang epekto ng alak sa taong kasama mo sa bahay? Tipong nananahimik ka lang sa isang sulok tapos bigla-biglang mangungulit, manggugulo, o mananakit? O kaya naman, susuka sa sala, kuwarto, o kusina?

At siyempre, kapag ganitong may problemang hindi masolusyunan, humanap ng puwedeng sisihin.

Human-Interest

Magna cum laude graduate na pinagsuot ng toga ang ama, kinaantigan

Kaya heto si Bacchus.

Sa mitolohiyang Griyego/Romano, siya ang itinuturing na diyos ng alak. Base sa kanilang paniniwala, sinasaniban daw ng espiritu niya ang isang tao kapag ito’y nalalasing.

Si Bacchus ay bunga ng paglalandian ng diyos na si Zeus at ni Semele na anak ni Cadmus na hari ng Thebes, isang siyudad sa Greece. Sa madaling sabi, isang demigod si Bacchus.

Ayon pa sa mga tala, isang taga-Athens daw na nagngangalang Ikarius ang masuwerteng

naturuan ni Bacchus kung paano gumawa ng alak.

Ang kaso lang, mukhang nanibago ang mga kabaro ni Ikarius matapos niya silang patikimin ng kaniyang nadiskubreng inumin. Nang magkaamats na kasi, akala nila nilason sila ni Ikarius.

Kaya bilang ganti, pinagbabato nila ang kaawa-awang winemaker hanggang mamatay.

Mula noon hanggang ngayon, tila lagi nang kakabit ng alak ang trahedya. Ilan na bang magkakabaro ang nagkasakitan at nagpatayan habang nasa kalagitnaan ng inuman dahil sa maling akala, sa payabangan, o sa hindi pag-aambag man lang ng pulutan? Kaya gasgas na ang litanyang “Pag may alak, may balak.”

Pero ang nakakapagtaka, sa kabila ng dala nitong kapahamakan at sakit—high blood pressure, stroke, liver cancer, heart disease, cirrhosis—hinahanap-hanap pa rin ng marami. Binabalik-balikan.

Ganoon yata talaga. Masyado sigurong malungkot ang buhay ng tao sa mundong ibabaw. At madalas, itong likidong nakakalasing lang ang nakakapawi sa pakiramdam na ‘yon.

Kasi nga naman, you can’t spell “galak” without “alak”.