Sinampahan na ng pulisya ng kaso ang isang motorista na makikita sa isang viral video na sadyang nanagi sa isang Angkas rider at pasahero nito, na nagresulta sa kanilang pagsemplang at pagkasugat sa Mandaluyong City nitong Miyerkules.

Kinumpirma ni Eastern Police District (EPD) Director PBGEN Wilson Asueta na dalawang bilang ng kasong attempted murder ang kinakaharap ngayon sa piskalya ng suspek na si Pedro Magalit, 53, isang farmer, na nasa kustodiya na ng Mandaluyong City Police.

National

Sa gitna ng girian: PBBM, minsan lang nagsalita vs VP Sara – Rep. Abante

Batay sa ulat ng Mandaluyong City Police, pasado alas-7:50 ng umaga nang maganap ang insidente sa southbound lane ng EDSA Ortigas, sa Barangay Wack-wack.

Makikita sa isang viral video na minamaneho ng Angkas rider na si Renz Tesoro ang kanyang motorsiklo, sakay ang kanyang live-in partner, nang bigla na lang silang dikitan ni Magalit, na noon ay nagmamaneho ng isang orange na Suzuki XL7 na may plakang NEM 7804, at nakapangalan sa isang bangko.

Nagbukas umano ng bintana ang suspek at pinagmumura ang rider bago ito sinadyang sagiin, na nagresulta sa pagsemplang ng kanyang motorsiklo at pagkasugat nila ng biktima.

Kaagad namang naisugod sa pagamutan ang mga biktima at nalapatan ng lunas, habang naaresto rin ang driver.

Ani Tesoro, posibleng nasingitan niya si Magalit kaya’t nagalit ito sa kanya.

Samantala, tiniyak naman ni Angkas Founder at CEO George Royeca na kapwa ligtas na mula sa kapahamakan ang rider at pasahero nito.

Aniya, sasagutin ng Angkas ang medical bills ng mga biktima, lalo na’t malinaw sa kuha ng viral video na walang kasalanan ang kanilang rider sa pangyayari.

Nabatid na nagtamo lamang ang rider ng sugat sa balikat, mga gasgas at mga pasa sa katawan, habang naospital naman ang kanyang pasahero ngunit kaagad din umanong na-discharge at nagbigay na ng salaysay sa presinto.

"Na-ospital 'yung pasahero, may mga cast, injury sa neck, paa. Pero na-discharge na kahapon. In fact, pumunta rin siya presinto...Nagpapagaling' yung rider, mayroon siyang injury sa balikat," ani Royeca, sa panayam sa radyo.

Dagdag pa niya, suportado na ang mga legal na aksiyon laban sa suspek at plano ring magsampa ng hiwalay na kaso laban sa suspek.

Giit niya, ang naturang pangyayari ay hindi maikukonsiderang aksidente dahil kitang-kitang sinadya ng suspek ang pangyayari.

Kaugnay nito, hinikayat pa ni Royeca ang lahat ng motorista na magkaroon ng respeto sa isa’t isa, anuman ang laki ng kanilang mga behikulo.

Tiniyak pa niya na ang kanilang mga bikers ay sumailalim sa ekstensibong pagsasanay at hindi basta-basta na lamang sisingit ng pabara-bara sa mga kasabayang sasakyan.