Pinangalanan ng Governance Commission for GOCCs (GCG) ang Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) bilang isa sa most improved at best performing government-owned and controlled corporations (GOCCs).
Kinilala ng GCG ang PCSO para sa kanilang kahanga-hangang accomplishments, outstanding disclosure practices at high performance ratings sa inaugural GOCC Governance Awards Ceremony na ginanap sa Philippine International Convention Center (PICC).
Sa isang video message, binati naman ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang mga GOCCs dahil sa pagpapakita ng excellence.
Paghikayat pa niya, “uphold accountability, transparency, and integrity in (their) endeavors so that we can serve our people best, more efficiently, and more effectively.”
Nabatid na nakamit ng PCSO ang parangal matapos na makakuha ng kahanga-hangang performance scorecard rating na 92.03% para sa taong 2022.
Ang Performance Evaluation System (PES) ng GCG ay ang proseso nang pag-appraise sa mga accomplishments ng GOCCs sa ibinigay na fiscal year, base sa itinakdang performance criteria, targets, at weights na iniulat sa performance scorecard.
Matapos ang masusing balidasyon ng GCG, natukoy na nalampasan ng PCSO ang karamihan sa kanilang targets na itinakda noong nakaraang taon, partikular na sa gross revenue/sales, collection efficiency, at budget utilization.
Bilang karagdagan, nagpakita rin ang PCSO ng solid commitment sa pag-rationalize sa paggamit ng kanilang charity funds, pagpapahusay sa process efficiency, pagmantine ng ISO certification, at pagtiyak sa napapanahong distribusyon ng mandatory contributions.
Ang iskor ng ahensiya na 92.03% sa 2022 ay isang malaking pagtalon na 35.73% kumpara sa 2021 score nito na 56.30%.
Sa kanyang panig, nagpahayag naman si PCSO General Manager Mel Robles ng pasasalamat sa GCG dahil sa pagkilala sa hard work, commitment at dedikasyon ng mga empleyado ng PCSO.
“Ibinibigay ko ang pagkilalang ito sa lahat ng mga masisipag at mga tapat na mga kawani ng PCSO na talagang nagsisikap upang mas lalo pa tayong makapagkaloob ng tulong sa mga nangangailangan nating mga kababayan,” aniya.