
Larawang kuha ng PDEA Pampanga Provincial Office.
Mag-asawa, tiklo sa ₱3.4 milyong shabu sa Cavite
PAMPANGA - Natimbog ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang mag-asawang umano'y sangkot sa pagbebenta ng illegal drugs sa Metro Manila at Bulacan sa anti-drug operation sa Trece Martires, Cavite nitong Martes ng gabi.
Pinipigil na sa PDEA Pampanga Provincial Office ang dalawang suspek na sina Aljune Mangulamnas at Aida Mangulamnas, kapwa taga-Trece Martires, Cavite.
Sa paunang ulat ng PDEA, dinampot ang mag-asawa sa ikinasang buy-bust operation ng PDEA Pampanga, PDEA Cavite at Trece Martires Police sa Brgy. Hugo Perez, Trece Martires nitong Nobyembre 21.
Nasa 500 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng ₱3.4 milyon ang nasamsam sa mag-asawa.
Nakatakdang sampahan ng kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang dalawang suspek.