Nanawagan si Manila Mayor Honey Lacuna sa mga Manilenyo na suportahan ang pamahalaang lungsod upang maisakatuparan ang kanilang bisyon para sa isang "Magnificent Manila" sa taong 2030.

Ayon kay Lacuna, magiging posible lamang ang naturang layunin kung ang lahat ng nagpapatakbo ng lungsod at maging ang mga residente  ay kumikilos ng sabay-sabay patungo sa iisang pangarap.

VP Sara, tahasang iginiit na hindi niya binoto si Romuadlez

Higit na binigyang-pansin ni Lacuna ang mga namumuno ng iba't-ibang departmento, kagawaran at tanggapan, na tiyakin na ang kanilang mga  programa, proyekto at plano ay nakahanay sa kung ano ang ginagawa ng executive department.

"Ang lahat po dapat ng mga plano, proyekto  at programa ng ating lungsod ay masiguro natin na iisa lang ang tono... iisa lang ang kumpas... iisa ang patutunguhan," anang alkalde.

Aniya pa, ang kanilang pananaw na maging isang world-class city ay makakamit ng mas mabilis at ng may katiyakan kung magtutulung-tulong ang lahat.

"Sa tulong po ninyong lahat, kapag tayo ay tulong-tulong at iisa ang tono, walang imposible," pahayag ng alkalde. “Kaya hinihikayat ko ang lahat na sana ay magtulungan tayo nang sa gayon,  lahat ng ating pangarap para sa minamahal nating lungsod ay magkaroon ng katuparan,  para sa ‘Magnificent Manila’ in the year 2030."