Pinag-uusapan ngayon sa social media ang video ng TikTok personality na si ‘Nico Meneses’ tungkol sa isang batang gustong tumikim sa ice cream ng kaniyang anak.

Dahil dito, naglabas ng pahayag ang ina ng bata na si Adie de Castro sa isang Facebook post.

National

Ofel, mas humina pa habang nasa vicinity ng Gonzaga, Cagayan

“Hindi po ako naaapektuhan personally ng mga comment kung ako ba ay masama o mabuting magulang. Ako po ay lumaki sa isang nanay na may sakit sa isip kaya bata pa lang po ako ay sanay na po ako na nireredicule, pinagkakatuwaan, kinakahiya, at marami pang mga ganoong pagtingin na nakasanayan ko na pong hindi pansinin. Ang kinatakot ko po ay paglaki ng anak ko, makikita niya na ganoon pala ang nangyari at maiisip niyang wala kaming ginawa bilang magulang,” aniya.

Ayon kay De Castro, noong Lunes ng umaga, Nobyembre 20, pa raw niya unang napanood ang video. Dahil ayaw niya raw ng gulo at away, sinabi na lang niya na huwag na lang pansinin. Pero nang nagba-viral na nga ang video, naisipan nila ng kaniyang asawa na gumawa na ng aksyon.

“Kaya po kami nag-post after namin magpunta sa PNP Cybercrime humingi muna kami ng payo kung puwede po namin ito gawin dahil para po makapagsampa ng kaso ay kailangan po pangalan at address ng taong inirereklamo n’yo.”

Sinabi rin ng ina na naglabas siya ng video para sa kalinawan kung ano ba ang motibo ng nilang pamilya dahil sila ay ordinaryong tao lamang.

“Ang anak namin halos hindi pa nakakapagsalita. Kagaya ng ibang batang pinanganak noong pandemic, mayroon po siyang developmental delay. And ito po ay mukhang kinainisan ng mag-asawa na nag-post ng video,” ani De Castro.

Nangyari raw ang insidente noong Nobyembre 17.

“Kasama lang po nila kami sa playground. Ang naisip nilang gawin ay gumanti sa amin sa paggawa ng ganitong aksyon. Hindi nila kami kinausap, nilapitan tungkol sa aming anak. Sa halip ay naisip nila, Sabado Linggo pinalipas, at Lunes i-post ang video. Kung ano pong motibo at intensyon ng mga taong ito ay siguro po sila lang po makakaalam. Basta ang alam po namin nananahimik lang po kami. Kung mayroon mang hindi magandang action ang aming anak ay patawarin nila dahil ito ay bata at musmos pa. Hindi rin po kami perfect na magulang ng asawa ko.

“Sana po kung mayroon po kaming nagawa na hindi po maganda, na hindi niyo ikinalulugod patawarin niyo po kami. At sa mga taong sumusuporta sa amin, maraming salamat po. Ipagdasal niyo po kami,” dagdag pa niya.

“Walang bata na dapat mapahamak lalo na nagbayad ka pa sa mall para lang magkaroon siya ng magandang experience sa paglalaro para sa mental health niya. Tapos mayroon pong tao na mananamantala at ayaw pong i-take down [‘yung video] bakit po? para sa views? para sa pera? Kaya ayan po ang mga dahilan. Hindi ko po maintindihan kung bakit kami pa po ang dapat mag-reach out sa kanila gayon pong anak namin ang ginagamit nila para maka-gain ng monetary reward for views, for content? Ano po ang motibo at intensyon nilang mag-asawa para po sa kanilang pagpopost? Ayan po ang magandang tanong at gusto rin po naming makita.

Sana raw ay maging leksyon at halimbawa sa publiko ang nangyari sa kaniyang anak. Sa susunod daw ay gusto niyang ibahagi ang kanilang ginawang hakbang sakaling may mga mabiktima rin.

Matatandaang mabilis kumalat ang video hindi lamang sa TikTok kundi maging sa iba pang social media platforms.

Hindi rin kasi nagustuhan ng netizens ang ginawa ni Meneses sa bata.

“Kanino bang anak to,” saad niya sa caption kaniyang TikTok video na habang isinusulat ito ay hindi pa niya binubura.

Mapapanood sa naturang video ang pagtikim ng kaniyang anak sa ice cream at maya-maya ay lumapit ang isang bata.

“Uy hindi naman kita anak ah,” sabi niya sa bata.

“Gusto mo rin?” tanong niya sa bata na agad namang tumango bilang sagot.

“Pabili ka sa mama mo,” sagot ng TikToker.

Habang isinusulat ito, wala pang pahayag si Meneses tungkol sa isyu.