Kinubra na ng isang housewife mula sa Cebu City ang napanalunang jackpot prize ng Mega Lotto 6/45 na binola noong Oktubre 25, 2023, ayon sa Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) nitong Martes, Nobyembre 21.
Maiuuwi ng lucky winner ang kalahati ng ₱30,052,036.20 jackpot prize dahil natamaan din ng taga-Sultan Kudarat ang winning numbers na 04-34-02-28-42-20.
Ayon sa PCSO, nakuha ng lucky winner ang jackpot combination sa pamamagitan ng lucky pick.
"Isang LP naman ang tinaya ko! Ang katwiran ko, maliit man yan o malaking taya kung mananalo ka sa iyo. Finally after ten (10) years of trying nakatsamba din. That is the game of chance!” saad ng housewife nang kubrahin niya ang premyo noong Nobyembre 9.
“Speechless at nanginginig talaga ako. At first hindi ako makapaniwala until I came here at naiabot na sa akin yung tseke ko dun ko lang naramdaman na totoo ngang nanalo ako,” dagdag pa niya.
Balak daw niyang gamitin ang napanalunan sa kanilang maliit na negosyo at pag-aaral ng kaniyang anak.
Samantala, nagpasalamat ang lucky winner sa PCSO, "Thank you PCSO, kayo po ang naging daan para sa aking mga pangarap. Tiyak masaya ang pasko namin ng pamilya ko. Iingatan ko po itong mabuti para sa kinabukasan ng aking pamilya. Marami pa po sana kayong matulungan. God bless, PCSO!”
Ang premyong napanalunan na lagpas sa ₱10,000 ay sasailalim sa 20 porsiyentong tax na alinsunod sa TRAIN Law.
Ang lahat naman ng premyo na hindi makukubra, sa loob ng isang taon, mula sa petsa nang pagbola dito, ay awtomatikong mapo-forfeit at mapupunta sa kanilang Charity Fund.