Muling inilunsad ng Mandaluyong City ang ‘Paskuhan sa Tiger City’ upang higit pang gawing makulay at masaya ang nalalapit na pagdiriwang ng Pasko sa lungsod.
Pinangunahan mismo ni Mandaluyong City Mayor Ben Abalos ang muling pagbubukas ng 'Paskuhan sa Tiger City' sa pamamagitan ng pagpapailaw sa higanteng Christmas Tree at sa mga gusali sa loob ng city hall grounds nitong Lunes ng gabi, Nobyembre 20.
Kasabay nito, binuksan na rin ang Christmas bazaar kung saan may nakatayong mahigit sa 300 stalls sa loob at labas ng city hall.
Dito ay maaaring makapamili ang publiko ng iba't ibang klase ng pagkain at mga produkto.
Bukas sa publiko ang Christmas bazaar mula 5:00PM hanggang 10:00PM at sasabayan ito ng variety shows tuwing gabi, kabilang ang chorale singing contest sa pagitan ng 27 barangay sa lungsod at dance contest ng mga Sangguniang Kabataan.
Ayon kay Mayor Abalos, nais ng pamahalaang lungsod na mabigyan muli ng pagkakataon ang mga maliliit na negosyo ng lugar para makapagbenta ng kanilang produkto sa publiko sa taunang Paskuhan, at maipakita rin ang iba't ibang talento ng mga Mandaleno na siguradong magbibigay ng saya sa lahat ng dadalo dito.
Kilala ang Paskuhan Sa Tiger City bilang isang taunang pagtatanghal ng pamahalaang lungsod sa buong Metro Manila at inaabangan hindi lamang ng mga residente ng Mandaluyong kundi maging mga taga ibang lungsod.
Ang taunang proyektong ito ay nasimulan sa panahon ni dating Mayor na ngayo'y DILG Secretary Benhur Abalos noong 2008 at pansamantalang itinigil noong 2020 dahil sa COVID-19.
Ang Paskuhan sa Tiger City ay idaraos hanggang sa Enero 6, 2024.