Ipinahayag ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na mapipilitan siyang tumakbo bilang senador o bise presidente ng bansa kapag na-impeach umano ang kaniyang anak na si Vice President Sara Duterte.
Sa isang panayam sa “Gikan Sa Masa, Para sa Masa” ng SMNI nitong Lunes ng gabi, Nobyembre 20, sinabi ng dating pangulo na mapupuwersa raw siyang bumalik sa pulitika kapag pinatalsik sa puwesto si VP Sara.
“Alam mo kapag ginawa ninyo ‘yan, babalik ako sa politika. Mapilitan ako. It’s either I run for senator or I will run for vice president maski matanda na ako,” ani Duterte.
“Mapipilitan akong lumabas sa retirement eh… Election is just around the corner. Talagang magka-babuyan tayo. I do not lose anything, I’m retired. Pero pagdating niyan na buhay pa ako, ‘pag wala pa akong dementia, tatakbo akong vice president… Kung si Inday (VP Sara) ang presidente, okay lang,” saad pa niya.
Matatandaang inihayag ni Deputy Minority leader at ACT Teachers Party-list Rep. France Castro noong Huwebes, Nobyembre 16, na mayroon umanong usap-usapan sa pagitan ng ilang mga kongresista hinggil sa posible umanong “impeachment” laban kay Duterte.
Samantala, sa isang pahayag noon ding Nobyembre 16 ay iginiit naman ni House Majority Leader at Zamboanga City 2nd district Rep. Mannix Dalipe na wala umanong basehan ang kumakalat na sabi-sabi hinggil sa impeachment laban sa bise presidente.
https://balita.net.ph/2023/11/16/planong-impeachment-vs-vp-sara-hindi-totoo-dalipe/
Nito lamang Lunes, Nobyembre 20, ay iginiit ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na hindi umano deserve ng bise presidente na ma-impeach.
https://balita.net.ph/2023/11/20/pbbm-kay-vp-sara-she-does-not-deserve-to-be-impeached/