Inaasahang makararanas ng mga pag-ulan ang ilang bahagi ng bansa ngayong Martes, Nobyembre 21, bunsod ng northeast monsoon o amihan at shear line, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).
Sa tala ng PAGASA kaninang 4:00 ng madaling araw, malaki ang tsansang magkakaroon ng maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorms ang Visayas, Bicol Region, MIMAROPA, Zamboanga Peninsula, Basilan, Sulu, at Tawi-Tawi dulot ng shear line o ang banggaan umano ng mainit at malamig na hangin.
Pinag-iingat ang mga residente sa mga nasabing lugar dahil sa posibleng pagbaha o kaya nama’y pagguho ng lupa tuwing magkakaroon ng malakas na ulan.
Maulap na kalangitan na may kasamang katamtamang pag-ulan naman ang posibleng maranasan sa Cagayan Valley at Quezon bunsod ng amihan.
Maaari rin umanong magdulot ang amihan ng medyo maulap hanggang sa maulap na kalangitan na may kasamang isolated light rains sa Metro Manila at mga natitirang bahagi ng Luzon.
Wala naman umanong matinding epekto ang mga magiging pag-ulan dito.
Inihayag din naman ng PAGASA na malaki ang tsansang makaranas ng medyo maulap hanggang sa maulap na may kasamang isolated rainshowers o thunderstorms ang mga natitirang bahagi ng Mindanao bunsod ng localized thunderstorms.
Posible umano ang pagbaha o kaya nama’y pagguho ng lupa sa mga nasabing lugar tuwing magkakaroon ng malalakas na thunderstorms.
Samantala, ayon kay PAGASA Weather Specialist Grace Castañeda, sa kasalukuyan ay wala umano silang binabantayan na low pressure area (LPA) sa loob o labas ng Philippine area of responsibility (PAR).
“Ngunit mayroon tayong mino-monitor na cloudclusters o mga kaulapan sa Palawan area o sa bahagi ng Sulu Sea sa kanluran ng Mindanao, kung saan continuous monitoring tayo dito sa mga kaulapan na ito sa posibilidad na ito ay magkaroon ng sirkulasyon at maging isang ganap na [LPA] sa mga susunod na araw,” saad pa ni Castañeda.