Umabot na hanggang sa bubong ng mga bahay ang baha sa Northern Samar nitong Martes, Nobyembre 21, dahil sa walang tigil na pag-ulan.
Base sa mga larawang ibinahagi ng netizen na si Agnes R Tawi mula sa Catarman, Northern Samar, sa kaniyang Facebook post, makikita ang taas ng tubig-baha na umabot sa bubong ng ilang mga kabahayan.
Makikita rin sa mga larawan ang paglikas ng mga awtoridad sa mga residente dahil sa pagtaas ng tubig.
Samantala, nagbahagi rin ang alkalde ng San Roque, Northern Samar na si Mayor Don Abalon sa isang Facebook post ng mga larawan ng kalagayan ng kalsada sa lugar nitong Martes, dakong 11:20 ng umaga.
“Heto ang kalagayan ngayon ng National Highway sa Sitio Naperes, San Roque, Northern Samar,” saad ni Abalon.
Ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), patuloy na nagdudulot ng mga kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorms ang shear line o ang banggaan umano ng mainit at malamig na hangin sa Visayas.