Inanunsyo ni Vice President at Department of Education (DepEd) Secretary Sara Duterte na gagawin nilang “catch-up day” ang bawat araw ng Biyernes sa susunod na taon upang tulungan umano ang mga estudyante na mahasa ang kanilang reading at literacy skills.

Sa kaniyang talumpati sa culminating activity ng DepEd para sa National Reading Month nitong Martes, Nobyembre 21, sinabi ni Duterte na magsisimula ang implementasyon ng “catch-up Fridays” sa Enero 12, 2023.

“Every Friday will be catch-up Fridays. Ibig sabihin, wala tayong gagawin kundi turuan ang mga batang magbasa, at ‘yung mga marunong nang magbasa, ituro sa kanila ang critical thinking and analysis. ‘Yung mga marunong na sa critical thinking and analysis, pasulatin n’yo ng libro, pasulatin n’yo ng essays,” ani Duterte.

Bukod dito, binanggit din ng bise presidente na kailangan din umanong magsagawa ng “catch-up” pagdating sa kalusugan, values, at peace education ng mga estudyante.

National

DOH, nakapagtala ng 17 firework-related injuries sa loob lamang ng 24 oras

“Kailangan natin ng isang araw kung saan kailangan nating humabol doon sa kung saan nating gustong dalhin ang mga bata, dahil hindi pwedeng paulit-ulit na lang tayo sa ating ginagawa pero wala naman tayong nakikitang pagbabago, wala tayong nakikitang improvement sa ating mga learner,” saad ni Duterte.

Ipatutupad umano ang naturang “catch-up Fridays” hanggang sa pagtatapos ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa 2028.