Wala na raw talagang pag-asa pang matuloy ang programa ng TV host na si Willie Revillame sa dalawang government channels na PTV 4 at IBC 13.

Sa isang episode ng Cristy Ferminute nitong Lunes, Nobyembre 20, sinabi ng showbiz columnist Cristy Fermin na nagsalita na umano ang mga “taga-loob” na imposible na raw makabalik pa sa ere ang programa ni Willie.

“May mga kumakalat kasi na maraming demand itong si Willie. Kasi noong nasa ABS siya tapos dito sa TV5, GMA… talagang nasunod ang kaniyang gusto,” saad ni Cristy.

Dagdag pa niya: “Alam mo ba ang dressing room kung ilang milyon ang nagagastos? E, ‘yun ay hinihingi din niya dito sa kaniyang lilipatan at paggagawan ng programa.”

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Pero malabo umanong maibigay kay Willie ang mga hinihingi niya dahil government channels daw ang istasyong lilipatan niya ‘di gaya ng mga naunang TV network na pinanggalingan niya na pagmamay-ari ng mga pribadong tao.

Matatandaang noong Hulyo pa may pahiwatig si Willie ng kaniyang muling pagbabalik sa telebisyon.

MAKI-BALITA: ‘Babalik ako!’ Willie ginalaw na ang baso, makipagsalpukan din kaya sa noontime?

Lalong luminaw ang posibilidad na mangyari ito nang makita sa official Facebook page ng “Wowowin” noong Setyembre ang larawan ni Willie kasama ang mga ehekutibo ng dalawang nasabing government channels.

MAKI-BALITA: Wowowin, mapapanood na sa PTV-4, IBC-13?

Pero makalipas ang ilang linggo, ibinalita ni Cristy na tila wala na raw nangyayaring pag-usad tungkol sa muling pagbabalik ni Willie sa telebisyon.

MAKI-BALITA: ‘Kayabangan’ dahilan daw ng paglagapak ni Willie, sey ni Cristy

Sa kasalukuyan, habang isinusulat ang artikulong ito, wala pang tugon, reaksiyon, o pahayag si Willie hinggil dito.