Kaagad na namahagi ng tulong ang Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) sa mga biktima ng malakas na lindol na tumama sa South Cotabato, Sarangani, at General Santos City noong Biyernes ng hapon.
Nabatid na kaagad ding inatasan ni PCSO General Manager Melquiades Robles ang mga operators ng kanilang mga sangay at Small-Town Lottery (STL) na magtungo sa mga napinsalang lugar upang mamahagi ng mga food packs sa mga apektadong pamilya at biktima, upang matiyak na mabilis na makararating ang tulong sa mga nangangailangan nito.
"Our deepest concern lies with the families affected by the earthquake. Through our close collaboration with local government units, we aim to ensure that these families receive the necessary assistance during this challenging time," ani GM Robles.
“As part of our commitment, we have established a direct presence in the affected provinces and towns, actively coordinating with relevant organizations to ensure timely relief services and essential supplies to the affected communities," pagpapatuloy pa niya.
Nabatid na nagkaloob din ang PCSO ng medical aid sa mga indibidwal na nasugatan o naospital dahil sa kalamidad, sa pamamagitan ng kanilang Medical Assistance Program (MAP).
Naglaan na rin umano ang ahensiya ng calamity funds upang suportahan ang mga apektado ng kalamidad sa kanilang recovery mula sa epekto ng lindol.
Nabatid na kabilang sa mga kaagad na rumesponde sa panawagan ni GM Robles ay ang PCSO South Cotabato Branch Office at STL Operators na Tentro Gaming and Leisure Corporation, at JGM Gaming & Leisure Corporation.
Nakipagtulungan ang STL operators sa mga concerned local government units para sa pamamahagi ng mga food packs sa may 200 pamilya sa Barangay Hall, Malapatan, Sarangani Province nitong Linggo at 200 pamilya pa sa Barangay Bula, General Santos City.
Ang relief initiatives ng PCSO ay nagpapakita sa kanilang dedikasyon sa pagtupad ng kanilang mandato bilang principal charitable arm ng pamahalaan.