Halos ₱2M illegal drugs, nakumpiska sa Bulacan, Bataan
Camp Olivas, City of San Fernando, Pampanga - Halos ₱2 milyong halaga ng illegal drugs ang nakumpiska ng pulisya sa magkahiwalay na operasyon sa Bulacan at Bataan kamakailan.
Sa report ng Police Regional Office 3 (PRO3) nitong Linggo, ang anti-illegal drug operations ay nagresulta sa pagkakaaresto ng apat na pinaghihinalaang sangkot sa drug syndicate.
Sa unang operasyon, nasa 262 gramo ng umano'y shabu na nagkakahalaga ng ₱1,781,600 ang nasamsam sa dalawang high-value individual sa Balagtas, Bulacan.
Nasa 30 gramo naman ng illegal drugs na aabot sa ₱204,000 ang nahuli sa pag-iingat ng isang dalawang suspek sa Samal, Bataan.
Nahaharap na sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 (Republic Act 9165) ang mga suspek, ayon pa sa pulisya.