LAGUNA - Dinakip ang apat katao, kabilang ang isang nagpakilalang opisyal ng Philippine Army (PA) matapos silang masamsaman ng 38 matataas na kalibre ng baril sa isang training ground sa Block 4, Phase 7, Alberta St. Bayan at Bansa, Barangay Langkiwa, Biñan City nitong Sabado.

Nasa kustodiya na ng Criminal Investigation and Detection Group Laguna Provincial Field Unit (CIDG-LPFO) si Jose Francisco Laredo Ramos III at tatlong kasamahan na hindi na isinapubliko ang pagkakakilanlan.

Sa report ng pulisya, isinagawa ang police operation sa bisa ng search warrant na inilabas ni Judge Agripino Bravo, executive judge ng Regional Trial Court (RTC), Fourth Judicial Region, sa Lucena City, sa kasong paglabag sa Republic Act 110591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.

Si Ramos ang target ng warrant, ayon sa pulisya.

Probinsya

Tinatayang 132,000 pamilya, lumikas sa Eastern Visayas dahil sa super typhoon Pepito

Sa imbestigasyon, nagpakilala si Ramos bilang isang Army officer reservist na may ranggong Lieutenant Colonel at pinamumunuan umano nito ang Philippine Wildlife Sentinel Unified Command (PWSUC).

Sa beripikasyon ng CIDG-Laguna sa 1303rd Defense Regional Community ng PA, nilinaw na hindi reservist ng AFP si Ramos at waka ring records of assignment at hindi rin nakalista bilang miyembro ng Joint Task Force-National Capital Region (NCR) ng Armed Forces of the Philippines.

Nilinaw naman ng Department of Environment and Natural Resources (DENR)-Region 4A na hindi deputized wildlife enforcement group ang PWSUC.

Inihahanda na ng pulisya ang kaso laban kay Ramos at sa tatlong kasamahan nito.