2 gunboats mula Israel, dumating na sa bansa -- PH Navy
Dumating na sa bansa ang dalawa sa fast attack interdiction craft (FAIC) o Acero-class gunboat mula sa Israel.
Sinabi ng Philippine Navy (PN), ang dalawang sasakyang-pandagat ay idiniliber sa Pilipinas ng cargo ship na Kogra Royal at ngayo'y nasa East Commodore Posadas Wharf sa Cavite City.
Isasailalim muna sa inspeksyon at minor fittings ang dalawang FAIC bago gamitin bago matapos ang 2023.
Sa pahayag ni PN spokesperson Lt. Giovanni Badidles, ang dalawang gunboat ay pinangalanang BRP Herminigildo Yurong (PG-906), at BRP Laurence Narag (PG-907) at gagamitin ang mga ito bilang Acero-class patrol vessels ng Littoral Combat Force ng PN.
Si Yurong na isang staff sergeant at dating nakatalaga sa Marine Battalion Landing Team 2 (MBLT2) Special Operations Unit ay nasawi sa laban sa Moro Islamic Liberation Front (MILF) noong 2000 sa Maguindanao habang si Narag na isang corporal na dating nakatalaga bilang radioman sa 61st Marine Company Force Recon Battalion ay nasawi noong 2000 sa Lanao del Norte habang niraradyuhan ang kasamahang mula sa OV-10 Bronco light attack aircraft ng Philippine Air Force upang maglunsad ng airstrikes.
Ang pagkuha ng dagdag na dalawang patrol vessel ay bahagi ng proyektong inaprubahan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte noong 2019 kaugnay ng modernization program ng Armed Forces of the Philippines (AFP).