Nag-react si Gabriela Party-list Rep. Arlene Brosas sa naging pahayag ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na “magpapakulong” na lang daw siya sa halip na harapin ang natanggap na subpoena mula sa Quezon City Prosecutor's Office.

Pinadalhan si Duterte ng subpoena kamakailan dahil sa grave threats complaint na inihain ni ACT Teachers Party-list Rep. France Castro laban sa kaniya.

“Magpakulong na lang ako, kasi ino-oppress ako ni France (Castro),” sagot naman ni Duterte kamakailan nang tanungin kung susunod siya sa naturang subpoena ng QC Prosecutor's Office.

Duterte, pinadalhan ng subpoena ukol sa ‘grave threats’ vs Castro

https://balita.net.ph/2023/11/16/duterte-sa-natanggap-na-subpoena-magpakulong-na-lang-ako/

Kaugnay nito, sinabi ni Brosas sa isang press conference nitong Sabado, Nobyembre 18, na wala naman umanong pipigil sa dating pangulo na “magpapakulong.”

"Ang sinasabi na niya agad, he would rather go to jail. Actually wala namang pipigil sa kaniya, pero mas gugustuhin natin na humarap siya," pahayag ni Brosas.

"Kasi napakalinaw nong threats at harassment na binitawan niya laban kay Representative France Castro,” saad pa niya.

Matatandaang Oktubre 24, 2023 nang magsampa si Castro ng kasong kriminal laban kay Duterte dahil sa “death threats” umanong binitawan ng dating pangulo laban sa kaniya.

https://balita.net.ph/2023/10/24/rep-castro-kinasuhan-si-ex-pres-duterte/

Ito ay kaugnay ng naging patutsada kamakailan ni Duterte kay Castro sa isang panayam ng SMNI sa telebisyon, kung saan sinabi niyang gagamitin umano ng kaniyang anak na si Vice President Sara Duterte ang confidential at intelligence funds (CIF) ng tanggapan nito para sa Reserve Officers’ Training Corps (ROTC) at upang ihinto umano ang communist insurgency sa bansa.

“Pero ang una mong target sa intelligence fund mo, ‘kayo, ikaw, France (Castro), kayong mga komunista ang gusto kong patayin,” ani Duterte kamakailan.

https://balita.net.ph/2023/10/12/ex-pres-rodrigo-duterte-nagpatutsada-kay-rep-castro/