Nagbigay ng pabatid ang Department of Education (DepEd) sa publiko na hindi umano sila magkakansela ng mga klase simula sa Lunes, Nobyembre 20, kaugnay ng napipintong transportation strike ng Pinagkaisang Samahan ng mga Tsuper at Operators Nationwide (PISTON).
Sa inilabas na advisory ng DepEd nitong Sabado, Nobyembre 18, sinabi ng DepEd na walang magaganap na suspension of classes mula sa kanila.
Sa kabilang banda, nasa local government unit (LGU) na raw ang direktiba kung kinakailangan nilang magkansela ng mga klase o hindi.
"No cancellation of classes will be issued by the Department of Education (DepEd)," nakasaad sa advisory.
"Unless local government units announce cancellation and/or suspension of classes in their respective jurisdictions, schools shall hold classes without disruption."
Ayon sa PISTON noong Miyerkules, Nobyembre 15, isasagawa nila ang transport strike mula Lunes, Nobyembre 20 hanggang Huwebes, Nobyembre 23, bago ang nakatakdang deadline (Disyembre 31, 2023) sa kanila ng pamahalaan na mag-comply sa mga guidelines ng programa.
Bago ang PISTON, matatandaang nagsagawa rin ng transport strike ang Malayang Alyansa ng Bus Employees at Laborers Para sa Karapatan sa Paggawa (Manibela) noong Oktubre sa parehong dahilan.
MAKI-BALITA: 3-day transport strike isasagawa mula Nobyembre 20