Bulkang Mayon, 54 beses nagbuga ng mga bato
Patuloy pa rin ang pag-aalburoto ng Bulkang Mayon matapos magbuga ng mga bato sa nakaraang 24 oras.
Sinabi ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs), nagkaroon din ng tatlong pagyanig sa paligid ng bulkan at isang pyroclastic density current event.
Naobserbahan din ang 1,709 toneladang sulfur dioxide emission sa nakaraang pagmamanman ng ahensya.
Namataan din ang pagragasa ng lava sa Mi-isi, Bonga at Basud Gullies.
Kaugnay nito, nakapagtala naman ang Phivolcs ng 89 pagyanig sa Bulkang Taal.
Bukod dito, nagbuga rin ito ng 900 metrong taas ng puting usok na tinangay ng hangin pa-timog kanluran ng bulkan.