Inaasahang magpapaulan ang trough ng low pressure area (LPA), northeast monsoon o amihan, at shear line sa malaking bahagi ng bansa ngayong Biyernes, Nobyembre 17, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).

Sa Public Weather Forecast ng PAGASA kaninang 4:00 ng madaling araw, inihayag ni PAGASA Weather Specialist Aldczar Aurelio na huling namataan ang LPA sa labas ng Philippine area of responsibility (PAR) 990 kilometro ang layo sa silangan ng Northeastern Mindanao.

Mababa pa rin umano ang tsansang maging bagyo ang naturang LPA, ngunit inaasahan na itong papasok ng PAR ngayong Biyernes.

Pagdating naman sa lagay ng panahon, sinabi ng PAGASA na malaki ang tsansang makararanas ng maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorms ang Bicol Region, Northern Samar, Eastern Samar, Caraga, Davao de Oro, Davao Oriental, Palawan, Basilan, Sulu, at Tawi-Tawi dahil sa shear line at sa trough ng LPA.

National

‘Kalaban at kriminal?’ Benhur Abalos, nag-react sa inedit niyang billboard

Pinag-iingat ang mga residente sa mga nasabing lugar dahil sa posibleng pagbaha o kaya nama’y pagguho ng lupa tuwing magkakaroon ng malakas na ulan.

Maulap na kalangitan na may kasamang katamtamang pag-ulan naman ang posibleng maranasan sa Batanes and Cagayan kabilang na ang Babuyan Islands bunsod ng amihan.

Maaari ring magdulot ang amihan ng medyo maulap hanggang sa maulap na kalangitan na may kasamang isolated light rains sa Metro Manila at mga natitirang bahagi ng Luzon.

Wala naman umanong matinding epekto ang mga magiging pag-ulan dito.

Samantala, inihayag din naman ng PAGASA na malaki ang tsansang makaranas ng medyo maulap hanggang sa maulap na may kasamang isolated rainshowers o thunderstorms ang mga natitirang bahagi ng bansa bunsod ng shear line o ng localized thunderstorms.

Posible umano ang pagbaha o kaya nama’y pagguho ng lupa sa mga nasabing lugar tuwing magkakaroon ng malalakas na thunderstorms.