Libu-libong Manilenyo ang nabigyan ng hanapbuhay sa isinagawang magkakasabay na job fairs ng Manila City Government nitong buong araw ng Biyernes, Nobyembre 17, 2023.
Ayon kay Manila Mayor Honey Lacuna, ang 'Mega Job Fair' ay isinagawa sa Arroceros Forest Park sa Ermita, Manila sa tabi ng Central LRT Station at Metropolitan Theater mula 9:00AM hanggang 4:00PM.
Ang nasabing job fairs ay idinaos aniya ng lokal na pamahalaan sa pamamagitan ng Public Employment Service Office (PESO) na pinamumunuan ni Fernan Bermejo at sa pakikipagtulungan ng Department of Labor and Employment - National Capital Region at ng DOLE- NCR Manila Field Office.
Kasabay nito, ang “Kalinga sa Maynila PESO Job Fair” ay ginawa naman ng mula 8:00AM hanggang 12:00PM sa kanto ng Maria Clara at Ibarra Sts. sa Sampaloc, Manila.
Sa nasabing job fair na hosted ng Barangay 498, District IV, sinabi ni Lacuna na may 2,500 trabaho ang inalok sa mga job hunters.
Nabatid pa sa alkalde na ang job fairs bukas sa lahat ng high school graduates, college level, college at tech/voc graduates.
Inatasan ni Lacuna si Bermejo na laging patuloy na gumawa ng paraan para makapagbigay ng trabaho sa mga jobless na Manilaño upang maging produktibo silang miyembro ng lipunan.
Habang sinusulat ang balitang ito, ay tuloy pa rin ang recruitment processes sa Arroceros Park.
Napag-alaman kay Lacuna na marami ang agad na nabigyan ng trabaho.
Pinasalamatan ng lady mayor ang mga private companies na patuloy na tumutulong sa city government sa hangarin nitong tulungan ang mga jobless Manila residents.