Inanunsyo ng SM City General Santos ang pansamantala nitong pagsasara matapos yanigin ng magnitude 6.8 na lindol ang lugar nitong Biyernes ng hapon, Nobyembre 17.

Matatandaang inihayag ng Phivolcs, nangyari ang lindol na tectonic ang pinagmulan dakong 4:14 ng hapon.

Namataan ang epicenter nito 34 kilometro ang layo sa hilagang-kanluran ng Sarangani Island sa Sarangani, Davao Occidental, na may lalim na 72 kilometro.

Mula magnitude 7.2: Lindol sa Davao Occidental, ibinaba sa M6.8

Kasama umano sa mga lugar na lubos na napinsala ng naturang pagyanig ang General Santos City na itinaas ng Phivolcs sa Intensity VI.

Dahil dito, naglabas ng opisyal na pahayag ang SM City General Santos, at sinabing pansamantala silang magsasara upang masiguro umano ang kaligtasan ng kanilang mga empleyado at customer.

“The earthquake experienced today in Mindanao was also felt in SM City General Santos,” saad ng SM sa isang pahayag.

“To ensure safety of customers, tenants and employees, the mall is temporarily closed to allow us to do a through inspection of the building,” saad pa nito.