Patuloy na iniimbestigahan ng pulisya ang tungkol sa pagpatay sa mag-live in partner na pinagbabaril ng hindi pa nakikilalang mga suspek sa loob mismo ng isang provincial bus nitong Miyerkules ng tanghali, Nobyembre 15.
Sa panayam ni Carranglan, Nueva Ecija Municipal Police Station chief Police Major Rey Ian Agliam sa Unang Balita ng GMA, sinabi niyang base sa kanilang assessment, planado ang pagpatay sa dalawang biktima.
Kinilala ang biktima na sina Gloria Atillano, 60, mula sa Cauayan City; at Arman Bautista, 55, mula sa Koronadal, South Cotabato.
Ayon kay Agliam, mayroong sasakyan ang mga biktima kung kaya’y nagtataka umano sila bakit nag-commute ang mga ito at paano sila nasundan ng mga suspek.
“May theory kami na ito ay 'Plan B' na ng assassination sa dalawa. Parang plan B na nila ito kasi mayroong sasakyan itong mga biktima. Ang pinagtataka namin bakit sila nag-commute at papaano nasundan. ‘Yan ang aalamin namin. Magba-backtracking po kami,” saad nito. "May ano doon sa babae, may pagbabanta."
May kaniya-kaniya rin daw na negosyo ang mga biktima pero wala raw itong kinalaman sa intensyon ng pamamaril kundi dahil umano raw sa personal na rason.
“‘Yung babae po is medyo maluwang ang saka diyan sa Cauayan and then dati siyang may palay buying station. May mga paupahan din po. ‘Yung lalake may negosyo na related sa bakery,” paglalahad ni Agliam.
Samantala, nagsagawa na rin ng hot pursuit operations nitong Miyerkules ang pulisya. Ayon kay Agliam, naiulat sa kanila na pagkababa ng bus ng mga suspek ay umakyat daw ang mga ito sa bundok.
“Ang mga suspect ay bumaba ng bus, then tumawid sa ilog, umakyat ng bundok. May mga eyewitness tayo na umakyat ng bundok ang dalawang suspect,” aniya.
Matatandaang viral na rin ngayon sa social media ang insidente ng pamamaril sa mag-live in partner na nakaupo sa unahang bahagi ng bus. Tila pumara ang mga suspek pagkatapos ay bumunot ng baril at saka pinagbabaril sa ulo ang mga biktima.
Maki-Balita: 2 pasahero ng isang provincial bus, dead on the spot nang pagbabarilin