Jeepney, 'di ipe-phaseout -- LTFRB chief
Iginiit muli ni Land Transportation and Franchising Regulatory Board (LTFRB) Chairperson Teofilo Guadiz III na hindi magkakaroon ng phaseout ng mga traditional jeepney sa bansa pagkatapos ng deadline ng public utility jeepney (PUJ) franchise consolidation.
Binigyang-diin ni Guadiz, kailangang maisagawa ang franchise consolidation bago sumapit ang Disyembre 31 ngayong taon.
Gayunman, papayagan pa rin aniyang pumasada ang mga jeepney sa Disyembre.
“Kailangan pong tapusin ang consolidation sa December 31. Ang hinihingi lang po namin sa kanila ay 'yung tinatawag na substantial compliance. Ibig sabihin, ‘pag kayo po ay nag-file at compliant na po kayo kahit hindi pa po tapos ay considered na po kayong consolidated, kaya po pwede po kayong tumakbo ng inyong ruta,” paliwanag ni Guadiz sa pulong balitaan sa Quezon City nitong Huwebes.
Paglilinaw ng opisyal, hindi magkakaroon ng transport crisis sa bansa.
"To give you a hypothetical example, sa isang ruta 50 ang lumalayag na jeepney, iyong 40 nag-consolidate so may sampu pa doon na hindi pa nagko-consolidate. Eh, ang kailangan mong jeep ay 50 so ‘yung sampu ‘yun, pwede pang bumyahe hanggang sa hindi natatapos ang consolidation ng 40. So what does that mean? Yes, technically hindi ka na puwedeng bumiyahe pero to prevent a vacuum in certain areas, we will temporarily allow you hanggang hindi tapos ang consolidation ng 40. The moment na natapos na ‘yon, and they are able to fill up the vacuum, iyong sampu, they will have to stop traversing the route. Ibig sabihin, hindi na po sila puwedeng bumyahe. So in sum, kapag iyong ruta mo ay consolidated na, mayroon nang mga tumatakbo, palagay ko po, you have to consolidate now or you have to stop plying your route,” aniya.
Kinontra rin ni Guadiz ang naiulat na kailangang palitan ng driver ang kanilang unit kapag nakasunod na sila sa franchise consolidation.
“Hindi po totoo na within 3, 6, or 9 months ay kailangan ka na pong magbago ng unit, wala pong katotohanan ‘yon, pawang kasinungalingan po ‘yon,” dagdag pa ng opisyal.