Mahigit sa 10 porsyento ng mga estudyante sa Maynila na sumailalim sa ipinagkaloob na libreng diabetes screening ng pamahalaang lungsod ay mayroong "high sugar values."

Ayon kay Manila Mayor Honey Lacuna, ang naturang datos ay mula sa ulat ng tanggapan ni Manila Health Department (MHD) chief Dr. Arnold 'Poks' Pangan, na siyang nagsagawa ng libreng diabetes screening sa mga estudyante bilang paggunita sa ‘World Diabetes Day’ noong Martes.

Matapos maligwak ang request: Paolo Duterte, pumayag manatili si VP Sara sa kaniyang opisina

Kaugnay nito, nagpahayag din si Lacuna ng kalungkutan sa mababang bilang ng mga estudyanteng sumailalim sa libreng diabetes screening.

Anang alkalde, ito ay indikasyon na binabalewala ng mga kabataan ang kanilang kalusugan.

Ani Lacuna, nasa kabuuan lamang na 1,651 Grade 12 public high school students na edad 18 hanggang 19 ang sumailalim sa free diabetes screening para sa blood sugar gamit ang fasting blood sugar (fbs) testing, na mas mababa sa 7,000 estudyante na target sana nila.

Ang nasabing tests ay ginawa sa 25 public senior high schools sa Maynila.

Sa nasabing bilang, may 168 estudyante ang nakitang may 'high sugar values' o mahigit 10 porsiyento ng kabuuang bilang ng mga sumailalim sa pagsusuri.

Nakatakda naman aniyang isailalim sa confirmatory tests ang mga naturang estudyante sa Biyernes.

Nabatid na sakaling magpositibong muli ang mga estudyante ay kaagad na magsasagawa ng kaukulang hakbang ang MHD at ang Division of City Schools.

"A confirmatory test for these 168 students will be done on Friday at their respective schools. If confirmed positive, proper measures and interventions will be implemented by the MHD and the Division of City Schools," ani Pangan sa kanyang ulat sa alkalde.

Sinabi pa ni Pangan na maliban sa screening, ang MHD ay magbibigay rin ng libreng follow-ups at gamot para sa nakumpirmang mga diabetics.

Paliwanag niya, ang naturang programa ay isang pre-emptive measure at layunin nito na matukoy at mapigilan ang onset ng high sugar levels at itaguyod ang diabetes-free population sa Maynila, sampung taon mula ngayon.

Nabatid na ang free diabetes screening ay taunan nang isasagawa ng pamahalaang lungsod.