Nag-react si dating Pangulong Rodrigo Duterte hinggil sa natanggap na subpoena mula sa Quezon City prosecutor’s office kaugnay ng grave threats complaint na inihain ni ACT Teachers Party-list Rep. France Castro laban sa kaniya.

Sa isang panayam sa “Gikan Sa Masa, Para sa Masa” ng SMNI nitong Miyerkules ng gabi, Nobyembre 15, tinanong si Duterte kung susunod siya sa subpoena ng QC prosecutor’s office.

“Magpakulong na lang ako, kasi ino-oppress ako ni France (Castro),” sagot naman ni Duterte.

Duterte, pinadalhan ng subpoena ukol sa ‘grave threats’ vs Castro

“Kayong mga komunista, ganon. How I wish. Sana all,” saad pa niya.

Samantala, muli ring “ni-redtag” ni Duterte si Castro kung saan iginiit niyang miyembro ito ng Communist Party of the Philippines.

“Sumingit sila sa mainstream, mga rebelde ‘yan eh. Gusto nila sirain ang Pilipinas. Baliktarin nila kasi gusto nila magkomunista iyong partido nilang ideolohiya gaya ng China noon pati Russia,” saad ni Duterte.

Matatandaang Oktubre 24, 2023 nang magsampa si Castro ng kasong kriminal laban kay Duterte dahil sa “death threats” umanong binitawan ng dating pangulo laban sa kaniya.

https://balita.net.ph/2023/10/24/rep-castro-kinasuhan-si-ex-pres-duterte/

Ito ay kaugnay ng naging patutsada kamakailan ni Duterte kay Castro sa isang panayam ng SMNI, kung saan sinabi niyang gagamitin umano ng kaniyang anak na si Vice President Sara Duterte ang confidential at intelligence funds (CIF) ng tanggapan nito para sa Reserve Officers’ Training Corps (ROTC) at upang ihinto umano ang communist insurgency sa bansa.

“Pero ang una mong target sa intelligence fund mo, ‘kayo, ikaw, France (Castro), kayong mga komunista ang gusto kong patayin,” ani Duterte kamakailan.

https://balita.net.ph/2023/10/12/ex-pres-rodrigo-duterte-nagpatutsada-kay-rep-castro/

Ang naturang pahayag ng dating pangulo kamakailan hinggil sa CIFs ay matapos alisin ng Kamara ang 2024 confidential funds ng limang mga ahensya ng gobyerno, kabilang na ang Office of the Vice President (OVP) at Department of Education (DepEd) na parehong pinamumunuan ng kaniyang anak.

https://balita.net.ph/2023/10/10/confidential-funds-ng-5-govt-agencies-inalis-ng-kamara-quimbo/