Inaasahang makararanas ng mga pag-ulan ang malaking bahagi ng bansa ngayong Huwebes, Nobyembre 16, bunsod ng northeast monsoon o amihan at shear line, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).

Sa tala ng PAGASA kaninang 4:00 ng madaling araw, malaki ang tsansang makararanas ng maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorms ang Bicol Region, Eastern Visayas, Caraga, Oriental Mindoro, Occidental Mindoro, Quezon, Marinduque, at Romblon dahil sa shear line.

Pinag-iingat ang mga residente sa mga nasabing lugar dahil sa posibleng pagbaha o kaya nama’y pagguho ng lupa tuwing magkakaroon ng malakas na ulan.

Samantala, maulap na kalangitan na may kasamang katamtamang pag-ulan naman ang posibleng maranasan sa Cagayan Valley, Apayao, Kalinga, Ifugao, Mountain Province, at Aurora bunsod ng amihan, ayon sa PAGASA.

National

Ex-Pres. Duterte, handa raw dumalo sa pagdinig hinggil sa drug war: ‘Hindi ako aatras!’

Maaari rin namang magdulot ang amihan ng medyo maulap hanggang sa maulap na kalangitan na may kasamang isolated light rains sa Metro Manila, Ilocos Region, mga natitirang bahagi ng Cordillera Administrative Region, mga natitirang bahagi ng Central Luzon, at mga natitirang bahagi ng CALABARZON.

Wala naman umanong matinding epekto ang mga magiging pag-ulan sa mga nasabing lugar.

Bukod dito, inihayag din ng PAGASA na malaki ang tsansang makaranas ng medyo maulap hanggang sa maulap na may kasamang isolated rainshowers o thunderstorms ang mga natitirang bahagi ng bansa bunsod ng shear line o ng localized thunderstorms.

Posible umano ang pagbaha o kaya nama’y pagguho ng lupa sa mga nasabing lugar tuwing magkakaroon ng malalakas na thunderstorms.

Samantala, ayon kay PAGASA Weather Specialist Patrick Del Mundo, huling namataan ang binabantayang low pressure area sa labas ng Philippine area of responsibility (PAR) 1,220 kilometro ang layo sa silangan ng Northeastern Mindanao.

Nananatili umanong mababa ang tsansang maging bagyo ang naturang LPA sa susunod na 48 oras, at posible naman itong pumasok ng PAR sa susunod na 24 oras.

“Magiging bagyo man ito o hindi, inaasahan po natin na sa paglapit nito by Sunday (Nobyembre 19), especially sa may bahagi ng Eastern Visayas and CARAGA area, ay magdadala po ito ng malalakas na pag-ulan,” saad ni Del Mundo.

Kaugnay nito, inabisuhan ng PAGASA ang mga residente sa naturang mga lugar na maghanda sa posibleng maging pagbaha o pagguho ng lupa na dulot ng magiging pag-ulan sa paglapit ng LPA.