Tagumpay ng mga Pinoy sa U.S., ipinagmalaki ni Marcos
Binisita ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. ang Filipino community sa San Francisco, California upang personal na pasalamatan para sa kanilang mahahalagang kontribusyon sa bansa.
Nasa Amerika si Marcos kasunod na rin ng imbitasyon ni United States President Joseph Biden upang makilahok sa 30th Asia-Pacific Economic Cooperation (APEC) Economic Leaders’ Meeting at iba pang pulong.
Nagpahayag ng pagsaludo ang Pangulo sa mga frontline worker na nagpakita ng kabayanihan sa panahon ng coronavirus disease 2019 (Covid-19) pandemic.
Ipinagmamalaki rin ni Marcos sa tagumpay ng mga Pilipino sa Estados Unidos na siyang nakapagbuo ng positibong imahe ng Pilipinas at ng mga Pinoy sa Amerika.
Ibinahagi rin ng Pangulo na layunin ng pamahalaan na suklian ang kanilang pagsisikap. -
Bukod dito, binigyang-diin ng punong ehekutibo ang aktibong partisipasyon ng Pilipinas sa APEC na inaasahang makapagbibigay ng mga kasunduang magbubunga ng kaunlaran sa ekonomiya para sa mga Pilipino.