Med tech student na bumaril sa kaklase sa Tuguegarao City, kinasuhan na!
Sinampahan na ng kaso ang isang medical technology student kaugnay ng pamamaril nito sa babaeng kaklase sa loob ng isang unibersidad sa Tuguegarao City, Cagayan kamakailan.
Sinabi ni Tuguegarao City Police chief, Col. Richard Gatan sa isang radio interview, kasong frustrated murder at paglabag sa election gun ban ang isinampa sa prosecutor's office laban kay Kristian Rafael Ramos, taga-Ilagan City, Isabela.
Si Ramos ang itinuturong bumaril kay Althea Vivien Mendoza, taga-Ilagan City, Isabela at pansamantalang nanunuluyan sa Ugac Sur, Tuguegarao City.
Sa ulat ng Tuguegarao City Police Station, ang insidente ay naganap sa parking area ng Saint Paul University of the Philippines- Tuguegarao nitong Nobyembre 13 ng hapon.
Sinabi ng pulisya, nasa loob ng kotse ni Ramos si Mendoza nang maganap ang pamamaril.
Kaagad na isinugod sa Cagayan United Medical Doctors Center (CUDMC) ang biktima.
Nasa kustodiya na ng pulisya ang suspek.
May dagdag na ulat ni Liezle Basa