Pinabulaanan ng Department of Social Welfare and Development (DWSD) ang kumakalat na suspicious link sa social media tungkol sa pagbibigay umano ng unemployment financial assistance kapag sumagot ng survey.
“Hindi totoo ang kumakalat na link sa Messenger at Facebook na ang DSWD ay may unemployment financial assistance na nagkakahalaga ng $1000 sa pamamagitan ng pagsagot sa isang survey questionnaire,” saad ng ahensya nitong Miyerkules, Nobyembre 15.
“FACT CHECK: Ang DSWD ay walang pinapasagutang survey questionnaire kapalit ng unemployment financial assistance. Kung nangangailangan ng tulong sa gitna ng krisis na nararanasan, maaaring humingi ng tulong sa pamamagitan ng Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS),” paniniguro ng DSWD.
Binigyang-paalala rin ng DSWD ang publiko na huwag mag-click ng kahit anumang link na ipinapadala sa Facebook messenger na hindi galing sa kanilang opisyal na Facebook page.
“Kilatising mabuti at i-verify muna ang mga nababasa online. Huwag basta-basta maniwala sa mga content na hindi nanggaling sa credible at reliable source.”