Hindi sang-ayon ngunit nirerespeto ni Atty. Harry Roque, dating spokesman ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, ang desisyon ng Muntinlupa Court matapos payagang magpiyansa si dating Senador Leila de Lima.
Nitong Lunes, Nobyembre 13, sinabi ng legal counsel ni De Lima na si Atty. Boni Tacarardon na pinayagan ng Muntinlupa Regional Trial Court (RTC) Branch 206 ang motion for reconsideration para sa petisyon ng pagpiyansa ang dating senador.
Maki-Balita: ‘Makakalaya na!’ De Lima, pinayagang magpiyansa
Sa panayam ni Roque sa Teleradyo nito ring Lunes, sinabi niyang nirerespeto niya ang desisyon ng Korte.
“Unang-una tayo po ay isang abogado, we are an officer of the Court. Hindi man tayo sumang-ayon sa desisyon na 'yan, nirerespeto natin 'yan dahil 'yan po ang naging husgado ng hukuman,” anang dating spokesman.
Dagdag pa niya, ang pagpipiyansa kay De Lima ay maaari raw magdala ng hindi magandang mensahe sa mga testigo.
“Pero para sa akin po, 'yan ay nagpapadala ng hindi mabuting mensahe sa mga testigo...
“Nirerespeto natin ‘yan pero ako po talaga ay may alinlangan diyan dahil ibig sabihin po niyan, pinaniniwalaan na ngayon ng hukuman ang mga papalit-palit na bersyon ng mga testigo," ani Roque.
"Sana ay maparusahan ang mga nagbaliktad ng kanilang testimonya dahil ‘yan po ay isang krimen,” saad pa niya.
Matatandaang unang nakulong si De Lima noong 2017 dahil sa umano’y pagkakasangkot niya sa illegal drug trade sa loob ng New Bilibid Prison, bagay na paulit-ulit niyang itinanggi.
Maki-Balita: ‘Makakalaya na!’ De Lima, pinayagang magpiyansa
Samantala, matapos payagang makapagpiyansa, nakalaya na si De Lima.
“Precious freedom! Free at last!” pahayag ng dating senador sa kaniyang paglabas sa Philippine National Police (PNP) Custodial Center sa Camp Crame nitong Lunes ng gabi.
“Pinakahihintay ko sa buhay ko for more than six years. Ito na, dumating na po. Maraming salamat,” saad pa niya.
Maki-Balita: ‘Precious freedom!’ De Lima, nakalabas na ng Camp Crame