Isa ka bang manunulat? O tagapagtala ng mga dokumento? O estudyanteng gumagawa ng thesis sa madaling-araw? Naranasan mo na bang mainis dahil sa sangkatutak na typographical error sa mga isinusulat mo?

Iyong tipong kahit ilang beses mo nang pinasadahan ng basa ang teksto ay may nakakalusot pa ring maling baybay o bantas?

Kung oo, kumalma lang. Humingang-malalim. 'Wag masyadong sisihin ang sarili. Wala kang kasalanan. May demonyo raw kasing salarin sa likod ng mga kapalpakang 'yan.

Si Titivillus.

Human-Interest

Jeep pandagat na naimbento ng mekaniko, nagpamangha sa netizens

Ayon sa mga tala, isa umanong demonyo si Titivillus na unang lumitaw noong 1285 sa mga pahina ng “Tractatus de Penitentia” ni Johannes Galensis. Tinagurian siya bilang "patron demon of scribes".

Si Titivillus daw ang responsable sa mga maling naisusulat natin sa mga artikulo, mensahe, at manuskrito–mapa-digital man o print.

Ibig sabihin, siya ang dahilan kung bakit minsan, ang salitang “Tito” ay biglang nagiging ari ng lalaki. O kung bakit sa halip na “mahal kong asawa” ang nakasulat na heading sa liham na para sa kabiyak ay nagiging “mahal kong aswang”. O kaya naman, ang call sign na dapat ay “Baby”, nagiging “Babe”.

Dahil dito, marami tuloy relasyong nawawasak; maraming taong napapahamak.

At ang pinsalang dulot ng typographical error ay walang pinipiling antas ng pamumuhay. Mahirap man o mayaman, puwedeng mabiktima ni Titivillus.

Kung talagang paniniwalaan ang mala-alamat na kuwento tungkol sa “patron demon of scribes", mukhang pati si dating Pangulong Rodrigo Duterte ay hindi nakaligtas dito.

Noong 2020, sinabi ng dating pangulo sa isa niyang talumpati na 167 million daw ang mga drug user sa Pilipinas samantalang ayon sa tantya ng PSA, 110 million lang umano ang populasyon ng bansa sa taong iyon.

Kaya depensa ng kaniyang dating Presidential Spokesperson na si Harry Roque: “Typo lang po ‘yun. It should be 1.67 million.”

Anyway, bukod sa typo error, si Titivillus din umano ang may kagagawan kung bakit nauutal o nagkakamali ang isang tao habang nagbabasa ng isang teksto sa pampublikong espasyo.

Iniipon din umano niya sa sako ang mga walang kuwentang pinag-uusapan ng mga tao habang nasa simbahan para gamitin laban sa mga ito pagdating ng araw ng paghuhukom.

Pero sa kabila ng mga pinsalang idinudulot ni Titivillus sa sangkatauhan, hindi maitatanggi ang isang naghuhumiyaw na katotohanan: nabibigyan niya ang mga editor at proofreader ng kabuhayan.