Mismong si Manila Mayor Honey Lacuna ang nanguna sa pagdaraos ng libreng diabetes screening sa lahat ng senior high school students sa mga pampublikong paaralan sa lungsod nitong Martes, bilang paggunita sa “World Diabetes Day.”

Si Lacuna ay sinamahan ni Manila Health Department chief Dr. Arnold 'Poks' Pangan, sa naturang aktibidad.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Ayon kay Pangan, mayroong 7,000 hanggang 8,000 estudyante mula sa 24 paaralan sa lungsod ang makikinabang sa nasabing free screening.

Kasabay nito, inanunsyo rin ni Lacuna na ang iconic Manila Clock Tower ay magkakaroon ng  blue lights, bilang paggunita pa rin sa 'World Diabetes Day.'

Pinuri naman ng alkalde ang MHD sa pagsasagawa ng nasabing programa na maaaring makapigil sa tumataas na bilang ng mga kabataan na nagkakaroon ng  diabetes sa murang edad.

"Napakarami o napakataas na po ng bilang ng may diabetes hindi lang sa Pilipinas kundi sa buong mundo," pahayag nito.

"Mas maige na po na matukoy natin sa murang edad pa lang kung sino sa ating mga kaanak o anak ang namemeligro o me diabetes na," pagbibigay-diin ni Lacuna.

Bilang isa ring doktor, binigyang halaga ni Lacuna ang kahalagahan ng maagang pagtukoy sa ganitong uri ng sakit.

Ayon sa kanya, ang matandang kasabihan na: "an ounce of prevention is worth a pound of cure" ay totoo lalo na sa kaso ng diabetes na irreversible.

Pinaalalahanan niya din ang lahat ng Manileño, na hindi lamang matatanda ang tinatamaan ng  diabetes, kundi maging mga bata din.

"Nagpapasalamat tayo sa MHD sa pagsusumikap na magkaroon ng mga programa para matutukan ang mga pangunahing suliraning pangkalusugan ng mga taga-lungsod," sabi ni Lacuna.