Kinumpirma ng Commission on Elections (Comelec) na nabayaran na nila ang lahat ng mga guro at personnel na nagserbisyo para sa katatapos na October 30, 2023 Barangay and Sangguniang Kabataan Elections (BSKE).
Sa datos na inilabas ni Comelec Chairman George Garcia nitong Lunes ng gabi, nabatid na hanggang alas-6:19 ng gabi ng Nobyembre 13, 2023 ay 100% na nilang naipagkaloob ang honoraria ng may 605,379 miyembro ng electoral boards, at 37,333 supervising officers at support staff ng Department of Education (DepEd) na naglingkod sa halalan.
Ayon kay Garcia, aabot sa halos P7 bilyon ang pondong nagamit nila para sa dito.
Matatandaang ang mga BSKE chairman ay pinagkalooban ng P10,000 honoraria ng Comelec, mula sa dating P6,000 lamang.
Nasa P9,000 naman ang natanggap na honoraria ng mga miyembro ng electoral board mula sa dating P5,000 lamang.
Samantala, nagpahayag naman ng kasiyahan ang DepEd dahil sa maagang paglalabas ng honoraria ng kanilang mga guro at mga personnel na nagsilbi sa eleksiyon.