Bukas na sa publiko ang Christmas Shoe Bazaar at Banchetto ng Marikina City Government.

Ayon kay Marikina City Mayor Marcelino Teodoro, layunin ng aktibidad na palakasin pa ang industriya ng pagsasapatos at matulungan ang mga lokal na negosyo sa pamamagitan nang pagbibigay ng subsidiya sa kanila.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Si Teodoro, kasama ang kanyang maybahay na si Marikina First District Representative Cong. Marjorie Ann “Maan” Teodoro ang nanguna sa pagbubukas ng pinakaaabangang taunang shoe bazaar, nitong Lunes.

Matatagpuan ang bazaar sa ground floor ng multi-level parking ng lungsod, sa tapat ng City Hall.

Sa kanyang mensahe, binigyang-diin ng alkalde ang kahalagahan ng pagbibigay sa publiko ng easy access sa de kalidad, matibay at abot-kayang mga sapatos, bags, at iba pang  leather products na gawa ng mg master craftsmen at shoemakers sa Marikina.

“Bakit ginagawa itong bazaar? Hindi lang para magkaroon ng access ang mga kababayan, kapag sabi ko na kababayan, hindi lang taga Marikina—ibig kong sabihin lahat, magkaroon ng access, makabili sila ng sapatos na gawa sa Marikina, iyong matibay, iyong maganda, iyong may quality. Iyon po ang dahilan kung bakit tayo may shoe bazaar, maliban po doon sa kabuhayan na dulot nito,” ani Teodoro.

Samantala, sa pagbubukas naman ng bazaar,  nilagdaan rin ng alkalde ang Ordinance No. 121, Series of 2023 upang ma-exempt ang mga shoe at leather goods retailers ng Philippine Footwear Federation Incorporated (PFFI) sa pagbabayad ng rental fees, kabilang na ang electricity charges para sa paggamit ng stalls sa ground floor ng city government-owned multi-level parking building mula Nobyembre 2023 hanggang Enero 2024.

Ipinaliwanag ng alkalde na layunin ng ordinansa na matulungan ang mga negosyo sa lungsod at ipagkaloob ang kanilang mga pangangailangan upang palakasin ang lokal na ekonomiya.

“Ang tawag ho doon ay hindi libre, socialized, subsidized—sina-subsidized po natin kung saan po tayo mahina—kung saan may pangangailangan,” aniya. “Gusto nating palakasin ang industriya ng sapatos sapagkat kapag napalakas po natin ang industriya ng sapatos ay nakakapagbigay ho tayo ng maraming trabaho."

Nabatid na ngayong taon, kabuuang 47 local manufacturers ng mga sapatos, bag at iba pang leather goods ang lumahok sa bazaar.

Bukas ang naturang shoe bazaar mula kahapon hanggang Enero 15, 2024.

Nabatid na dumalo rin sa opening ng bazaar sina Vice Mayor Marion Andres, mga miyembro ng City Council, mga opisyal mula sa Philippine Footwear Federation Incorporated, at iba pang city officials.

Samantala, ibinalik din ng City Government ang Banchetto matapos ang matagumpay na pagdaraos nito noong Palarong Pambansa.

Ang Banchetto, na matatagpuan sa  Freedom Park sa tapat ng City Hall, ay nagtatampok ng mga local food delicacies at mga meryenda sa Marikina.