Humina at isa na muling low pressure area (LPA) ang binabantayang bagyo sa labas ng Philippine Area of Responsibility (PAR), ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) nitong Martes, Nobyembre 14.
Sa Public Weather Forecast ng PAGASA kaninang 4:00 ng madaling araw, iniulat ni Weather Specialist Grace Castañeda na kaninang 2:00 ng madaling araw nang humina ang naturang tropical depression at naging LPA.
Huli naman umano itong namataan 1,620 kilometro ang layo sa silangan ng Southeastern Mindanao.
“Posible itong mag-redevelop at maging isang bagyong muli sa mga susunod na araw, at ito ay papasok ng ating [PAR] bukas ng gabi (Nobyembre 15) or by early Thursday (Nobyembre 16),” ani Castañeda.
“Ine-expect natin na either of the two scenarios na mag-redevelop ito o manatili as an [LPA], ito ay patungo sa silangang bahagi ng Mindanao, kung saan ito ay magdudulot pa rin ng malalakas na pag-ulan lalong lalo na rito sa may silangang bahagi ng Visayas at Mindanao sa mga susunod na araw,” dagdag pa niya.
Samantala, inihayag din ni Castañeda na ang shear line pa rin ang nakaaapekto sa ilang bahagi ng Southern Luzon, at inaasahang magdudulot pa rin ito ng mga kalat-kalat na pag-ulan, pagkidlat at pagkulog lalo na umano sa Bicol Region at ilang bahagi ng Eastern Visayas.
Patuloy naman umanong nakaaapekto ang northeast monsoon o amihan sa Northern at Central Luzon, kung saan maaari itong magdulot ng maulap na kalangitan at mga pag-ulan lalo na umano sa Cagayan Valley.