Nabigyan ng maagang Pamasko ang may 8,500 na empleyado ng pamahalaang lungsod ng Maynila dahil sa maagang pagkakaloob ng kanilang cash bonanza.

Inanunsyo ni Mayor Honey Lacuna nitong Lunes, sa regular na flag-raising ceremony, na sisimulan na ng city government ang payout ng 13th month pay at P5,000 cash gifts para sa mga regular employees ng lungsod ngayong linggong ito.

'Impeach Sara!' Ilang progresibong grupo nagkilos protesta sa harap ng Kamara

Pinasalamatan din naman ni Lacuna si City Treasurer Jasmin Talegon dahil lagi nitong sinisiguro na 'on time' ang mga benefits na para sa mga empleyado ng lungsod ng  Maynila.

"Magpasalamat tayo sa maagap at 'on time' na pagbibigay ng kaligayahan sa lahat ng empleyado ng lungsod ng Maynila.  Alam n'yo po, ang inyong pamahalaan ay talagang nagsisikap na maging masinop sa pondo ng ating lungsod," anang alkalde.

"So, alam nyo na. Dapat ngayon at buong linggo ay masaya kayong maglingkod sa inyong nakakaharap sa araw-araw," dagdag pa ng alkalde.

Samantala, inanyayahan din ni Lacuna ang publiko, partikular na ang mga opisyal at kawani ng Manila City Hall at Manilenyo, na samahan ang city government sa pagsisimula ng Christmas celebration ngayong buwan.

Hinikayat ni Lacuna ang publiko na sumama sa lighting up ng giant Christmas tree at lantern na gagawin sa Biyernes, Nobyembre 17, 2023 sa Kartilya ng Katipunan sa likod ng  Bonifacio Shrine at katabi ng Manila City Hall.

"Iniimbitahan ko po kayo sa Biyernes, sa atin pong taunang Christmas tree and lantern lighting na magaganap po dito sa Kartilya ng Katipunan, alas-6:00 ng gabi.  Kung wala naman po kayong importanteng pupuntahan, sana po ay masaksihan ninyo at maging bahagi kayo ng ating pag-iilaw ng ating Christmas tree," paanyaya niya.