Rider, dumaan sa bus lane sa Mandaluyong = One-year license suspension, ₱20,000 multa
Dahil sa pagtatangkang tumakas sa mga traffic enforcer matapos dumaan sa EDSA bus lane sa Mandaluyong City nitong Lunes, Nobyembre 13, isang motorcycle rider ang pinagmumulta ng ₱20,000 na may katumbas na isang taong suspensyon ng kanyang driver's license.
Sa social media post ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), ipinakita ng ahensya ng ticket o Uniform Ordinance Violation Receipt para sa nasabing rider na hindi na isinapubliko ang pagkakakilanlan.
Ang insidente, ayon sa MMDA, ay naganap sa Shaw Blvd. Tunnel sa Mandaluyong dakong 9:09 ng umaga kung saan namataan ng MMDA enforcers ang pagpasok ng rider sa bus lane.
Pinahihinto ang nasabing rider, gayunman, tinakasan nito ang mga enforcer kaya't hinabol ito hanggang Ortigas MRT Station.
Paliwanag ng MMDA, pasok sa reckless driving ang naturang paglabag na ang katumbas na multa ay ikatlong paglabag sa pagdaan sa EDSA bus lane.
Babala pa ng ahensya, hindi pa rin makalulusot ang mga lumalabag sa regulasyon na magreresulta sa mas mataas na multa at non-renewal ng lisensya sa loob ng isang taon.