Malaki ang tsansang maging bagyo at pumasok ng Philippine area of responsibility (PAR) ang binabantayang low pressure area (LPA) sa labas ng PAR, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) nitong Lunes, Nobyembre 13.

Sa Public Weather Forecast ng PAGASA kaninang 4:00 ng madaling araw, iniulat ni Weather Specialist Obet Badrina na huling namataan ang LPA 1,400 kilometro ang layo sa silangan ng Northeastern Mindanao.

Ayon kay Badrina, malaki ang potensyal na maging bagyo ang naturang LPA ngayong araw o bukas, Martes, Nobyembre 14.

Inaasahan din umano itong makapasok ng PAR pagdating ng Huwebes ng umaga, Nobyembre 16.

National

Akbayan kay VP Sara: ‘Ngayon na lang nagsalita sa WPS, ginamit pang patutsada sa kalaban!’

"Araw po ng Miyerkules ng umaga (Nobyembre 15), papasok na ito ng [PAR] at posible, bandang araw ng Huwebes ay nasa loob na ito ng [PAR], bandang umaga," saad ni Badrina.

Sa kasalukuyan ay wala pa naman umanong direktang epekto ang naturang LPA sa alinmang bahagi ng bansa.

Samantala, pagdating sa magiging panahon ngayong Lunes, malaki umano ang tsansang makararanas ng maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorms ang Aurora, Quezon, Rizal, Laguna, at Camarines Norte dahil sa shear line.

Maulap na kalangitan na may kasamang pag-ulan naman ang posibleng maranasan sa Cagayan Valley at Apayao bunsod ng amihan.

Pinag-iingat ng PAGASA ang mga residente sa mga nasabing lugar dahil sa posibleng pagbaha o kaya nama’y pagguho ng lupa tuwing magkakaroon ng malakas na ulan.

Maaari rin umanong magdulot ang amihan ng maulap na kalangitan na may kasamang isolated light rains sa Ilocos Region, mga natitirang bahagi ng Central Luzon, at mga natitirang bahagi ng Cordillera Administrative Region.

Wala naman umanong matinding epekto ang mga magiging pag-ulan dito.

Samantala, inihayag din ng PAGASA na malaki ang tsansang makaranas ng medyo maulap hanggang sa maulap na may kasamang isolated rainshowers o thunderstorms ang Metro Manila at mga natitirang bahagi ng bansa bunsod ng shear line o ng localized thunderstorms.

Posible umano ang pagbaha o kaya nama’y pagguho ng lupa sa mga nasabing lugar tuwing magkakaroon ng malalakas na thunderstorms.