Isa nang ganap na bagyo o tropical depression ang binabantayang low pressure area (LPA) sa labas ng Philippine Area of Responsibility (PAR), ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) nitong Lunes, Nobyembre 13.

Sa Public Weather Forecast ng PAGASA kaninang 4:00 ng hapon, iniulat ni Weather Specialist Veronica Torres na huling namataan ang naturang tropical depression 1,465 kilometro ang layo sa silangan ng Northeastern Mindanao.

Taglay umano nito ang maximum sustained winds na aabot sa 45 kilometers per hour malapit sa sentro at pagbugsong aabot sa 55 kilometers per hour.

Kumikilos ito pasilangan sa bilis na 20 kilometers per hour.

National

Ex-Pres. Duterte, itinangging nag-alok ng ‘cash rewards’ para sa drug war

Inaasahan umanong makapasok ng PAR ang bagyo pagsapit ng Miyerkules ng gabi, Nobyembre 15, o sa Huwebes, Nobyembre 16.

Pangangalanan ang bagyo sa lokal na pangalan nitong “Kabayan” kapag nakapasok na ito ng PAR, ayon sa PAGASA.

“Nakikita nga natin na ‘yung peak intensity o pinakamataas na lakas nitong bagyo is by around November 18 (Sabado) at ito ay nasa may typhoon category,” ani Torres.

“Hindi natin tinatanggal ‘yung possibility na magtataas tayo ng mga tropical cyclone wind signal lalo na sa areas kung saan malapit itong bagyo,” dagdag pa niya.