Ikinatuwa ni Senador Risa Hontiveros ang naging pagpayag ng Muntinlupa court kay dating Senador Leila de Lima na magpiyansa ukol sa isa niyang natitirang drug case.

Matatandaang kinumpirma ng legal counsel ni De Lima na si Atty. Boni Tacarardon nitong Lunes, Nobyembre 13, na pinayagan ng Muntinlupa Regional Trial Court (RTC) Branch 206 ang motion for reconsideration para sa petisyon ng pagpiyansa ang dating senador sa halagang ₱300,000.

“Salamat sa Diyos, LAYA NA SI LEILA. Matapos ang anim na mapait na taon ng pagkakulong, her spirit remains unbowed,” pahayag ni Hontiveros nitong Lunes.

‘Makakalaya na!’ De Lima, pinayagang magpiyansa

“Alongside countless other Filipinos, I am immensely happy for my friend and former colleague in the Senate. I know that after years of isolation, she is coming back to the loving company of her family, friends and supporters. Sen. Leila, we are all longing for your return. We all knew this day would come. Her release from prison through bail is the beginning of the end to this shameful episode in our democracy,” dagdag pa niya.

Samantala, inihayag ni Hontiveros na “nakakalungkot” at “nakakagalit” umano na hindi na mababawi ang mahigit anim na taong pagkulong kay De Lima dahil lamang umano sa “kasinungalingan ng iilan.”

Gayunpaman, naniniwala raw ang senador na mapapawalang-sala rin si De Lima sa natitira niyang drug case, lalo na’t kinumpirma na umano ng korte na walang matibay na ebidensya sa kasong isinampa laban sa kaniya.

“Sa huli, hindi mapipigilan ninuman ang pananaig ng katotohanan at katarungan,” pagbibigay-diin ni Hontiveros.

“Marami pang inosenteng Pilipino ang gaya ni Leila de Lima - na naghihintay ng kanilang kalayaan matapos mapagbintangan ng mga krimen na hindi nila ginawa. We must work harder to ensure that all incarcerated persons are able to avail of speedy remedies under our justice system, so that countless innocent Pinoys - like Leila - will soon be able to regain their precious freedom.”

“Now and always, justice will prevail,” saad pa niya.

Unang nakulong si De Lima noong 2017 dahil sa umano’y pagkakasangkot niya sa illegal drug trade sa loob ng New Bilibid Prison, bagay na paulit-ulit niyang itinanggi.

Pinawalang-sala naman ng korte ang isa sa tatlong mga drug case ni De Lima noong 2021.

Noon lamang namang Mayo 2023 nang ipawalang-sala rin ang ikalawang kaso ng dating senador.

https://balita.net.ph/2023/05/12/de-lima-pinawalang-sala-sa-isa-pang-drug-case/

Samantala, nito lamang Oktubre nang bawiin ng dalawang mga state witness ang kanilang mga testimonya laban kay De Lima matapos umano silang “makonsensya.”

https://balita.net.ph/2023/10/17/2-state-witnesses-ng-huling-drug-case-bumawi-ng-mga-testimonya-vs-de-lima/