Naibalik nang lahat sa bilangguan ang siyam na preso na nakatakas sa detention facility ng Manila Police District (MPD)- Raxabago Police Station 1 (PS-1).
Batay sa ulat ng MPD, nabatid na ang natitira pang pugante na si Jefferson Bunso Tumbaga ay naaresto na rin nila sa isang compound sa Molino, Bacoor City, Cavite dakong alas- 2:15 ng madaling araw nitong Lunes.
Una nang naaresto ng MPD ang iba pang nakatakas na bilanggo na sina Master Cedric Zodiacal, Arnold Olino, MJ Tuazon, Jericho Andal Antipuesto, Albert Calayas, Gian Carlo Rayala, Adriano Zilmar, at John Joseph Laguna.
Sila ay matatandaang nakatakas sa detention facility ng MPD PS-1 noong Nobyembre 8, sa pamamagitan nang pagwasak sa rehas na bakal ng kanilang selda, dakong ala-1:30 ng madaling araw.
Karamihan sa kanila ay kaagad din namang naaresto matapos ang puspusang manhunt operation ng pulisya.
Ang insidente ay nagresulta sa pagkasibak sa puwesto ng mga pulis na naka-duty nang maganap ang pagtakas, gayundin ng commander ng istasyon at kanyang deputy.
Sinuspinde rin muna ang visitation rights para sa mga bilanggo.